patay-sindi ang ilaw salitan ang liwanag at dilim naglalarong mga anino
gabi'y kumakalat na nilamon na ang ating mga mukha 'di na maaninag. nawawala. nawawalay.
pumipintig. tumitibok. orasang tahimik na saksi sa paglipas ng mga sandali. ginagapang ng pag-aalinlangan hinihila ng walang-katiyakan
iwan na ang walang kwentang paghihintay itigil ang tula itapon ang mga gamit na letra
ito'ng mga bulungang naglalagi sa dulo ng kamulatan mga sagot ay kinakapa litratong kinakapitan masasalimoot na saloobin 'di maalis-alis sa'kin
lumalalim ang kulimlim subalit ang tulang ito'y dapat nang tuldukan
sa likod ng kawalan, sa dulo ng 'di mtapos-tapos na kalaunan ay sisilip ang haring araw sa bughaw na kalangitan at sisibol din ang panibagong bukas.
Labels: inside the self |